Pinipilahan ng mga bisita ang isang palikuran sa isang museum sa Amerika dahil puwedeng maramdaman ng mga papasok dito ang sandaling karangyaan dahil sa pag-upo sa inidoro na gawa sa purong ginto.
Sa ulat ng Reuters, sinabing ang 18-karat gold na inidoro na makikita sa Guggenheim Museum sa New York ay bahagi ng exhibit na "Amerika" ng Italian artist na si Maurizio Cattelan.
Hindi lang pang-display at pang-selfie ang naturang gintong inidoro dahil maaari talaga itong gamitin at nagpa-flush ng tubig.
Isang taon na umanong nakalagay ang gintong inidoro sa museum at mahigit 100,000 bisita na ang pumila para magamit ang gintong "trono."
Naniniwala naman ang namamahala sa museum na bagaman may ilan na iba ang pananaw sa pagkakaroon ng gintong inidoro na bahagi ng exhibit, sa pangkalahatan ay naniniwala siya na nag-enjoy at natuwa ang mga nakagamit nito. (Larawan: screen grab mula sa Reuters video)-- FRJ/KVD, GMA News


