Sa Japan, hindi biro ang gastos sa burol at libing ng namayapang alagang hayop na ang presyo para sa tinatawag na "basic funeral service" pa lang ay nagsisimula sa 95,800 yen o mahigit P43,000.
(Ang demo ng pet funeral services sa ginanap na pet funeral expo sa Tokyo, Japan. REUTERS/Kim Kyung-Hoon)
Sa ulat ng Reuters, sinabing sa Pet Rainbow Fiesta, isang pet funeral expo na ginanap sa Tokyo nitong Lunes, ipinakita sa mga dumalo ang iba't ibang pagpipiliang serbisyo sa namayapang alagang hayop.
Kasama sa mga pagpipilian ang ritwal para sa namayapang alaga, cremation, gagawing household altar at maging ang pag-aalay.
Ang pangunahin o basic funeral service fee ay nagsisimula sa 95,800 yen o $860.66 o P43,000 para pa lang sa one-kilogram na hamster o kaya naman ay ibon, ayon sa funeral services company na Kokolone.
Aakyat naman sa hanggang 114,800 yen ang presyo para sa 20-kilogram na aso.
Puwede pang magdagdag ng flower altar para sa serbisyo at pagkuha ng violinist o pianist para tumugtog sa burol ng alaga.
Ang funeral ritual ay bahagi umano ng paniniwala sa Japan na kailangan ito para sa kapayapaan ng kaluluwa, maging ng mga pumanaw na alagang hayop. -- Reuters/FRJ, GMA News

