Nakipag-areglo at nagbayad ang Orlando City sa isang lalaki na unang dinakip at kinasuhan ng mga pulis matapos na mapagkamalang methamphetamine o shabu ang asukal ng donut na nakita sa sahig ng kaniyang sasakyan.

Sa isang artikulo sa online news site na "orlandosentinel.com," sinabi ni Daniel Rushing, 65-anyos, na natanggap na niya ang tseke noong nakaraang linggo na nagkakahalaga ng $37,500 mula sa Orlando City.

Nag-ugat ang kontrobersiya nang sitahin siya ng mga pulis noong 2015 habang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan nang hindi siya lubos na tumigil sa isang likuan na malapit sa isang convenience store.

Nang suriin ng mga pulis ang loob ng kaniyang sasakyan, may nakita silang puti na tila pulbos sa sahig ng sasakyan na inakalang shabu ng mga awtoridad.

Nang isalang ng mga pulis sa dala nilang "field testing kit" ang puting bagay, nagpositibo umano ito sa drug substance.

Pero iginiit ni Rushing na mula sa kinain niyang donut ang puting bagay na nakita sa sahig. Ipinaliwanag pa niya na hindi nga niya naninigarilyo.

Sa kabila ng kaniyang mga paliwanag, inaresto pa rin siya, dinala siya sa presinto at kinasuhan.

Ilang oras din umanong nakulong si Rushing at nakalabas lang ng presinto matapos na magbayad ng piyansa.

Ngunit pagkaraan ng ilang araw, lumabas naman ang resulta sa ginawang pagsusuri ng Florida Department of Law Enforcement sa nakuhang puting bagay sa sasakyan ni Rushing at lumabas na asukal iyon at hindi droga.

Dahil dito, naghabla si Rushing sa nangyaring pag-aresto sa kaniya na nauwi sa pakikipag-areglo ng Orlando City. -- FRJ, GMA News