Isang Scottish highland cattle o baka sa isang farm sa North Carolina sa America ang may kakaibang ugali dahil parang aso kung umasta.

Ang baka na pinangalanang si James, nakikipagharutan sa mga aso, nanghahabol ng manok at pusa, at parang aso kung maglambing sa kaniyang mga amo.

Napag-alaman na nagkaroon ng malubhang sakit si James noong baby pa kaya kinailangan siyang alagaan sa loob ng bahay ng mag-asawang Adam at Emily Hopson sa Burnsville sa North Carolina.

Sa bahay, nakasama niya ang iba pang alaga ng mag-asawa na mga aso at pusa.

Nang gumaling na ang baka, ibinalik siya sa labas ng bahay kasama ng ibang kapwa baka pero nabu-bully siya at hindi pinapansin kaya ibinalik na lang muli sa bahay.

Kaya naman kahit may kalakihan na, nagpatuloy sa kaniyang asta na parang aso si James at tila mas kampanteng kasama ang mga aso.

"Now that James is getting a little bigger, he's gonna learn to adapt and learn how to be a cow. He's gonna learn to live outside amongst his herd," ani Adam.

Pero habang hindi pa handa si James na harapin ang kaniyang tunay na pagka-baka, patuloy muna siyang nag-e-enjoy sa pagiging tila aso.-- FRJ, GMA News