Hindi na lingid sa kaalaman ng tao na matatalino ang mga aso kaya marami sa kanila ang madaling turuan ng "tricks." Pero sa isang pag-aaral na ginawa ng mga siyentista sa Hungary, natuklasan din dala-dala nila sa pagtulog ang kanilang natutunan.


Sa ulat ng Reuters TV, ipinakita ang ginawang pagsusuri sa labrador na si Kamilla na kinabitan ng mga aparato habang natutulog matapos na turuan.

Habang natutulog si Kamilla, nakita umano sa aparato ang tinatawag na " sleep spindles" o ang aktibidad sa kaniyang utak.

"From studies with humans and rodents we know that they are extremely useful markers both of memory and cognition but also of ageing and activity and distribution changes with age.In the dog, sleep spindles have only been described, they were never quantified, they were never related to function: this is the first time we were able to show that sleep spindles predict learning in the dog," ayon sa neuroscience researcher na si Livaylo Lotchev.

May mga itinuro muna sa mga aso gamit ang salitang English sa halip na Hungarian bago sila hinayaang matulog sa loob ng tatlong oras.

Lumitaw umano sa pag-aaral na mas madaling makapagmemorya ang mga babaeng aso kaysa sa mga lalaki batay na rin sa resulta ng "sleep spindles."

Makatutulong din umano ang pag-aaral sa pagbabago ng memorya o alaala ng mga aso dahil may indikasyon na nagkakaroon din sila ng dementia kapag nagkakaedad na gaya sa mga tao.

"Among very old dogs, up to two thirds of them show signs of dementia, and this dementia is really very similar in a lot of aspects to that of humans, so we could use dogs as a natural model of human ageing," sabi ng senior researcher na si Eniko Kubinyi. -- Reuters/FRJ, GMA News