Kung nakararanas ng matinding lamig sa Amerika, matinding init naman ang kalbaryo ng mga taga-Australia. Kabilang sa mga apektado nito ang mga hayop, maging ang mga paniki na mistulang naluluto ang utak na dahilan ng kanilang pagkamatay.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes ng gabi, sinabing daan-daang flying fox ang nalalaglag sa kanilang pagkakapit at tuluyang nangamatay dahil sa matinding init sa Campbelltown, Sydney.
Sabi ng mga dalubhasa, mistulang kumukulo sa init at naluluto ang utak ng mga paniki bunga ng matinding init na umabot sa 45 Celsius (113 Fahrenheit).
Mula naman noong 1939, muling naramdaman sa Penrith sa Sydney noong Linggo ang pinakamainit na temperatura na umabot sa 47.3 Celsius.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing dahil din sa init, nawalan ng kuryente ang ilang lugar sa Sydney na nakaapekto sa kanilang negosyo.
Maging ang kanilang mga ATM at traffic lights ay hindi rin gumana dahil sa pangyayari. -- FRJ, GMA News

