Isang matinding leksyon ang natutunan ng isang menor de edad na lalaki na nakita sa surveillance camera na inihian ang mga pindutan sa elevator na kaniyang sinasakyan sa isang apartment sa China.
(Youtube screengrab)
Sa ulat ng South China Morning Post, sinabing nangyari ang insidente sa lungsod ng Chongqing.
Sa video footage na ini-upload sa Youtube at kumalat na rin sa social media, makikitang mag-isa lang sa elevator ang binatilyo nang bigla itong umihi sa gilid.
Hindi nagtagal, itinaas na niya ang asinta ng pag-ihi at pinatama sa halos lahat ng pindutan ng bawat floor.
Nang makatapos umihi, pumuwesto na ang binatilyo para sa kaniyang paglabas pero laking gulat niya nang hindi bumukas ang pinto ng elevator.
Makaraan niya kasing ihian ang mga pindutan, makikita sa video ang pagpatay-sindi ng ilaw na indikasyon ng short-circuit.
Makikita rin sa video ang pagkabahala ng bata na patalon-talon na nang namamatay na ang ilaw. Ilang beses din niyang pinindot ang pindutan na kaniya mismong inihian.
Nasagip naman daw ang bata kinalaunan pero hindi nasabi sa ulat kung anong disiplina ang gagawin sa kaniya.-- FRJ, GMA News

