Arestado ang isang lalaki matapos niyang silaban ang isang motorsiklo at nadamay pa ang bahagi ng isang bahay sa Paco, Maynila. Ang suspek, aminado sa ginawa nang dahil lang umano sa "trip."
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Adonis Ducot, na naaresto matapos ang insidente.
Makikita sa kuha ng barangay CCTV na nakaistambay lang si Ducot sa tapat ng isang bahay pasado 1 p.m. ng madaling araw nang basta na lang niya sindihan ang isang motorsiklong nakaparada.
Nang magliyab ang sasakyan, umalis ang suspek na tila walang nangyari.
May isang pulis naman na nakakita sa apoy na kaagad kumilos para maapula ang sunog.
Blangko si Ricardo Silva, may-ari ng sasakyan, sa motibo ng panununog.
Sa kaniyang tantiya, nasa P10,000 ang halaga ng pinsala sa kaniyang motorsiklo na isang taon na niyang hinuhulugan.
"Hindi ko alam talaga kung ano ang dahilan niya eh. Pero tingin ko, trip eh, sa akin, nagdodroga talaga 'yan eh," sabi ni Silva.
"At saka 'yung part din po ng bahay, nadamay din po," sabi naman ni PSI Geo Colibao, chief of investigation ng Pandacan Police Station.
Aminado si Ducot na napagtripan lang niya ang sasakyan.
"Napagtripan ko lang. Inaamin ko sa husgadong ito. Litong-lito na po ako, gulong-gulo na po ako," sabi ni Ducot.
Lumalabas na nakulong na noon si Ducot dahil sa kasong illegal possession of bladed weapon pero nakalaya. Mahaharap siya ngayon sa kasong arson. --Jamil Santos/FRJ, GMA News
