Hindi man nabuo nang tuluyan ang kaniyang kaliwang kamay, hindi ito naging hadlang sa binatang si Ruzle Doble para maglaro ng basketball at abutin ang kaniyang pangarap na maging varsity player sa kanilang paaralan.

Ayon sa ulat ni Chino Trinidad sa GMA News "24 Oras," tama ang tangkad ni Ruzle na 5'11" para maging point guard.  Agresibo rin siya sa depensa at marunong magdala ng bola.

Ang mga talentong ito ang pinaghahawakan ni Ruzle, na tubong Tondo, Maynila, para makamit ang pangarap na mapasama sa varsity team ng Arellano University.

Pag-amin ni Ruzle, dahil sa kaniyang kalagayan ay nakakaranas siya ng pangungutya. Gayunman, hindi siya nagpapaapekto.

"Hinahayaan ko na lang po sila. Wala rin po ako magagawa kung papatulan ko pa. Hindi ko na po iniisip na ganito 'yung kamay ko, na kulang ako. Para makapaglaro ako ng basketball, iniisip ko kumpleto ako. Hindi naman po hadlang 'yung kapansanan para maglaro ng basketball eh. Kung hilig ko po talaga, wala pong imposible," paliwanag niya.

Ayon kay Carlos Fenequito, ng National Schools and Camps Basketball Championship, iba ang kaniyang nakita sa paglalaro ni Ruzle.

Hindi man kumpleto ang dalawa niyang kamay, na kailangan sa pagba-basketball, may panakip naman sa kakulangan na ito si Ruzle.

"'Yung determinasyon ng bata. Kasi kung ako, sa akin mangyayari 'yung nangyari sa kaniya, malamang nasa bahay lang ako, nagse-cellphone, nagla-like, nagse-share. Pero andito siya," sabi ni Fenequito.

"Gusto niya ipakita 'yung talent niya, 'yung puso niya tsaka determinasyon niya, at aspiring na magiging varsity ako ng isang school," dagdag pa niya.

Nakatuon ngayon ang atensiyon ni Ruzle na pagyamanin pa ang abilidad sa paglalaro ng basketball, sa kabila ng walang katapusang pangungutya sa kaniya ng mga nakakalaban.

Kung may maituturo si Ruzle sa mga tao, ito ay huwag matakot mangarap.

"Gusto ko pong maging player ng school. Pangarap ko po talaga makapaglaro ako ng PBA po," saad niya. —Jamil Santos/NB/FRJ, GMA News