Naospital ang dalawang menor de edad na magpinsan nang tamaan sila ng kidlat habang pababa ng bundok sa Pangasinan. Ayon sa biktima, umaakyat sila sa bundok para makakuha ng signal sa cellphone at makapag-Facebook.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nawalan ng malay ang magpinsang Rizaldy Domingo, 14-anyos, at Jean Mark Garcia, 13-anyos, nang tamaan ng kidlat sa barangay Sioasio West sa Sual, Pangasinan noong Miyerkules ng hapon.

Hirap pang makagawal si Domingo at nanghihina at hindi makakilos si Garcia dahil sa nangyaring insidente.

Kuwento ni Domingo, dahil mahina ang internet connection sa kanilang bahay, karaniwan na raw silang umaakyat na magpinsan sa bundok para makakuha ng reception ang kanilang cellphone at makakonekta sa Facebook.

Matapos mag-Facebook, pababa na raw sila nang biglang tamaan ng kidlat ang kanilang cellphone. Dahil sa nangyari, nawalan ng malay ang dalawa.

Pero mapalad na may nakakita umano sa kanila kaya nadala sila sa ospital.

Hindi naman umano direktang tinamaan ng kidlat at kuryente lang ang naramdaman ng mga biktima na nagtamo ang mga galos sa katawan.

Gayunman, isasailalim pa ang dalawa sa pagsusuri umang alamin kung naapektuhan ng insidente ang kanilang internal organs.-- FRJ, GMA News