Isang 19-anyos na lalaki na boxer shorts lang ang suot ang gumawa ng eksena sa isang paliparan sa Atlanta, USA nang makapasok siya sa runway, tumambay at nagtangka pang pumasok sa kalalapag lang na eroplano.
Sa ulat ng Reuters, sinabing nagawang makalusot sa 12 talampakang bakod ng Hartsfield-Jackson International Airport si Jhyrin Jones at nagtatakbo sa runway.
Tinangka rin daw ng lalaki na buksan ang pintuan ng isang kalalapag lang na eroplano na may mga natakot na pasahero.
“He actually got it open until the stewardess and the people in the aisle started fighting back,” ayon sa pasaherong si Tim James.
Dagdag pa niya, “People were crying. My first thoughts were he had jumped off of the plane, so I was more concerned he had something else on the plane that needed to be taken off. It was scary.”
Nang hindi nakapasok, tumambay na siya at umupo sa runway hanggang sa dumating ang mga awtoridad para siya dakpin.
Kinasuhan si Jones ng criminal trespassing, public indecency, causing damage at obstruction of law enforcement officers.
Napag-alaman na dati na ring naaresto si Jones sa kaniyang home state sa Alabama, kaugnay sa paglabag sa batas na may kaugnayan sa baril at pag-inom. (Ang mga larawan ay screengrab mula sa video ng Reuters)-- Reuters/FRJ, GMA News



