Kinagigiliwan sa Laoag City, Ilocos Norte ang isang aso na dalawa lang ang paa na mistulang kangaroo kung kumilos.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing mahigit isang taon nang inaalagaan ni Vinvin Mariano ang kaniyang aso na si "Princess."

Ayon kay Mariano, marami ang gustong bumili kay Princess pero hindi niya ibinenta ang kaniyang alaga.

Dahil dalawa lang paa ni Princess sa likuran, patalon-talon siya kung kumilos.

Sa kabila ng kaniyang kapansanan, tila hindi naman ito nahihirapan at mahilig pa rin umanong makipaglaro sa mga bata.

Samantala, inilunsad naman sa Sta. Ana Police Station sa Davao City ang Animal Welfare Desk, na layong tumutok sa mga report tungkol sa pang-aabuso sa lahat ng klase ng hayop.

"Inirereklamo kasi noon ng mga rescuer and advocates na kapag nagpa-blotter sila, pinagtatawan lang sila ng pulis. Ang iniisip kesyo aso lang, kesyo pusa lang. So hindi nabibigay ang rights and protection nila," sabi ni Marites Batacan, founder ng Animal Rescue Rehab and Fostering Davao.

Dadalhin sa naturang rehab and fostering center ang mga masasagip na mga hayop. --FRJ, GMA News