Pinatunayan ng isang lalaki sa Davao City ang kaniyang pagmamahal sa kasintahang may stage 3 cervical cancer nang pakasalan niya ito habang nakaratay sa ospital.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, ipinakita ang video ng kasal nina Ariel Idul at Rechie nitong Linggo sa loob ng ospital.

Na-diagnose si Rechie na may stage 3 cervical cancer noong 2017. Nahihirapan na siyang magsalita dahil sa nakakabit na tubo sa kaniyang bibig.

Pumayat din at namamaga ang kaniyang mga binti na komplikasyon ng kaniyang sakit.

Pitong taon nang nagsasama ang dalawa at mayroon na silang dalawang anak.

Ayon kay Ariel, pangarap ni Rechie na makasal sila kaya binigyan niya ito ng katuparan.

"Pareho namin gusto na magpakasal, kumbaga kung ano ang gusto niya ibibigay ko sa kaniya lahat. Ganyan  ko siya kamahal," saad ni Ariel.

Sa kabila ng kaniyang kalagayan, patuloy na lalaban si Rechie sa kaniyang karamdaman para sa kaniyang mga mahal sa buhay.--FRJ, GMA News