Nasubukan niyo na ba ang 'fishbolan' na dapat isang sawsaw lang dahil tulad sa pag-ibig, bawal ang dalawa? O uminom ka ba ng samalamig na bukod sa refreshing ay nakagaganda pa—'wag lang daw atat sa resulta?

Ilan lamang ito sa mga pakulo ng mga madiskarteng tinderong Pinoy kaya lumalakas ang kanilang benta sa paninda.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing marami ang tumatangkilik sa fishball cart ni Mang Edgardo Teope sa Nicanor Garcia sa Makati City.

May karatula sa kaniyang fishball cart na nakasaad na: "Isang sawsaw lang po tayo, bawal ang dalawang sawsaw dito. Ang pag sawsaw, parang pag-ibig dapat isa, hindi dalawa."

Kuwento ni Mang Edgardo, siyam na taon nang nakalagay sa kaniyang kariton ang naturang hugot bago pa man mauso ang mga hugot lines.

Paraan aniya ito ni Mang Edgardo para madisiplina ang mga mamimili at mapanatiling malinis ang kaniyang paninda.

Dahil dito, maraming suki si Mang Edgardo na madalas bumalik. Kumikita siya ng P800 kada araw.

"Sa mga nag-iisip na magnegosyo ng ganito, maging malikhain para maraming bumili sa kanila," sabi ni Mang Edgardo.

Kakaiba rin ang pakulo ni Marlon Arce na may palamig business sa Isabela Public Market, kung saan nilagyan niya ng mga epekto ang mga ibinebenta niyang juice na tinawag niyang "Jaws."

Nag-trending din ito sa social media, lalo na sa mga taga-Isabela, noong araw na ipinost ito.

Ayon sa mga nakasulat, ang buko niya ay pampaputi, pampaganda, may glutha effect, pampatangos ng ilong.

Ang melon naman ay pampapula ng lips, pampa-love life, balik-alindog at pampainit sa malamig na relasyon.

Pampa-blue ng mata at anti-wrinkle naman ang blue lemonade.

Hindi man totoo ang mga nasabing epekto, aliw naman ang mga customer.

Dahil naman sa kaniyang pagiging pogi, mabilis nang nakakaubos ng mga panindang isda, baboy at manok ang 22-taong gulang na si Mark Reyes.

May puwesto ang naturang "palengke heartthrob" sa palengke sa Bagong Silang sa Caloocan na talagang binabalik-balikan.

Kinunan pa siya ng isang netizen na nagwapuhan sa kanya at nag-viral ang kanyang photo. Dahil dito, mas dumami raw ang kanilang mga suki.

"Bale family business na po 'to. Tumaas po 'yung benta namin, dumami po 'yung suki namin. Madalas na po kaming nakakaubos ng paninda," sabi ni Mark. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News