Mistulang mga gagambang nag-boxing ang mga lalaking sumabak sa boxing habang nasa ibabaw ng kawayan na idinaos sa isang kapistahan sa Polomonok South Cotabato.

Kompleto naman sa suot na gear ang mga boksingero habang nakaupo sa nakabitin na kawayan at doon sila magpapalitan ng suntok.

Ang manlalaro na hindi babagsak mula sa kawayan ang makakakuha ng round at paramihan sila sa round na maipapanalo.

Kaya naman ang mga maglalaro, todo-kapit sa kawayan kahit nakatiwarik na pero kailangan pa rin sumuntok para mapabagsak ang kalaban.

"Katuwaan lang sana pero parang larong Pinoy na rin," sabi ng kapitan ng barangay na si Antonio Octavio.

Sa isang kapistahan naman sa Jovellar Albay, naka-heels na mga lalaki naman ang nagpabilisan sa pagtakbo.

Mayroon nadapa nang malapit na sa finish line, mayroong kumendeng bago tumawid ng finish line, at mayroon strap na lang ang natira sa sapatos.--FRJ, GMA News