Nahuli-cam ang tangka umanong panunuhol ng isang motorista sa enforcer ng Metro Manila Development Authority na humuli sa kaniya dahil sa paglabag sa "coding" sa Quezon City. Pero paliwanag ng motorista, pangkape lang ang ibinibigay niyang pera.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa video ng MMDA enforcer ang pagbukas ng pinto ng sasakyan ng motorista at lumabas ang kamay na may hawak na P100.
Nangyari ang insidente sa Commonwealth Avenue, Quezon City at sinita ang motorista dahil "coding" ang plaka ng kaniyang sasakyan pero bumiyahe pa rin.
Ikinais ng enforcer ang ginawa ng motorista na pangmamaliit umano sa kaniyang uniporme.
Sinabi naman ng driver na ang pera ay para lang sa pangkape ng enforcer bagay na hindi pinaniwalaan ng enforcer.
"Bribery 'yang ginagawa mo 'wag mo naman kami maliitin," anang enforcer.
Sinabi ng driver sa GMA News na ginawa niya ang pag-aabot ng "pangkape" para makaalis na sila. Hindi rin daw niya alam na may clearing operation.
Binigyan ng ticket ang driver para sa coding violation pero sinabi ni Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, sasampahan din nila ng reklamong paglabag sa Revised Penal Code "for attempting to corrupt a public government official" ang motorista.
Samantala, ilang tricycle driver din ang nasita at hinuli sa Commonwealth ng MMDA Task Force dahil sa kawalan ng lisensiya at pagbiyahe sa lugar kahit ipinagbabawal. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
