Kinagigiliwan ngayon ng mga netizen ang isang 19-anyos na babaeng estudyante dahil sa kaniyang pag-makeup transformation sa nakakatakot na movie character na si Valak, na nilagyan niya ng twist.
Sa ulat ni Kim Bandarlipe sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing viral ngayon sa social media ang mga nakakatuwang larawan ng 4th year AB English student na si Letisha Velasco.
"Para hindi naman ganoon ka-nakakatakot, ginawan ko ng twist na 'yung salitang nun, kinonek ko po sa salitang halimbawa, kayama-nun, bao-nun," ani Letisha.
Sinabi ni Letisha na nakahiligan niya ang paggawa ng make-up transformation video dahil sa paghanga niya kay Eat Bulaga dabarkads na si Paolo Ballesteros.
Sa isang video, ginulat ni Letisha ang kaniyang mga pinsan bilang si Valak ng "The Nun," kaya napasigaw at napaiyak ang mga ito sa takot.
"Gusto ko lang po kasing mag-inspire ng other people 'yung ma-inspire sila na hindi lang pampaganda 'yung makeup, marami magagawa kasi 'yung makeup eh kaya 'yun po 'yung gusto ko maipahiwatig sa mga gawa ko po."
Hanga naman ang ina ni Letisha na si Lenie sa pagiging malikhain ng kaniyang anak.
"Very supportive talaga ako sa kaniya kasi doon siya masaya sa ginagawa niya tsaka malaking tulong para sa sarili niya, na pambili niya ng mga gamit niya. I'm a very happy na mother," saad ng ina. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
