Isang babaeng motorista na sinita ng pulis at traffic enforcer dahil sa paglabag umano sa batas-trapiko sa Maynila ang tumangging ibigay ang kaniyang lisensiya at halos sagasaan pa raw ang mga tagapagpatupad ng batas.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang video na kuha umano noong Martes ng umaga sa kanto ng Recto at Rizal Avenue sa Maynila, habang hinaharangan ng isang pulis at isang traffic enforcer ang isang kotse.
Sa video, makikita ang kotse na dahan-dahang umuusad kahit nasa harapan ang pulis at traffic enforcer. Nag-ugat umano ang insidente nang huminto sa loob ng "yellow box" sa intersection ang kotse kaya sinita ang motorista.
Bagaman payag umano ang motorista na matiketan siya sa kaniyang paglabag sa batas-trapiko, tumanggi naman siya ibigay ang kaniyang lisensiya.
Ayon kay Police Officer Alan Fabros ng Manila District Traffic Enforcement Unit, na kasama sa humarang sa kotse, nararamdaman niya na dumidikit sa kanila ang umuusad na kotse kaya nangamba siya na baka tuluyan silang sagasaan ng motorista.
Dahil dito, humingi na sila ng tulong sa ilang jeepney driver para harangin ang sasakyan para hindi makaalis.
Gayunpaman, nakaalis pa rin ang motorista.
Dahil sa nangyari, magsasampa ng reklamo sa Land Transportation Office ang pulis at enforcer para hilinging alisan ng lisensiya ng naturang motorista at harapin ang mga paglabag na ginawa sa batas trapiko.
Sa panayam naman ng GMA News, sinabi ng babaeng motorista na hindi lang umano siya ang nasa loob ng yellow box pero siya lang daw ang hinuli.
Itinanggi rin niya na tinakasan niya ang pulis at sa halip ay hinintay raw niya ang commanding officer na siyang nagpaalis sa kaniya. -- FRJ, GMA News
