Sa kuha ng CCTV, mistulang ama ang dating ng kawatan na tumangay sa electric bike ng dalawang bata na kaniya pang isinakay muna bago tuluyang tumakas sa Pasay City.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nahuli-cam sa CCTV ng Barangay 40 sa Libertad, Pasay City ang pagdaan ng lalaki at dalawang bata na sakay ng isang e-bike.

Aakalain lang na mag-aama ang lalaki at dalawang bata pero ang totoo, pakay pala ng lalaki na tangayin ang e-bike ng dalawang biktima na edad 10 lang at pito.

Kuwento ng mga bata, sakay sila ng e-bike noong Biyernes ng tanghali nang pahintuin sila ng naturang lalaki.

Idinahilan umano ng lalaki na may nagrereklamo sa kanila sa barangay kaugnay sa umano'y pang-spray na binili nila na hindi pa raw bayad.

Ang lalaki na ang nagpatakbo ng e-bike at isinakay ang dalawang bata. Pero sa halip na sa barangay, nagpaikot-ikot sila sa lugar bago sila magkasunod na ibinababa sa magkahiwalay na lokasyon,

Ayon sa barangay, kakaibang klase ng modus ang ginawa ng kawatan pero mayroon na rin umanong nabiktima dati ang lalaki na karaniwang kabataan ang puntirya.

Ipinapakalat na sa mga karatig na barangay ang litrato ng lalaki para madakip sa lalong madaling panahon.--FRJ, GMA News