Ilang barangay sa Baguio City ang nagpatupad ng kautusan para ipagbawal ang tsismisan at pagsasampay ng mga underwear malapit sa kalsada.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, ipinatupad ng ilang barangay ang ordinansa tulad sa Holy Ghost Proper sa nabanggit na lungsod.

Dahil tourist destination ang Baguio, hindi raw maganda kapag nakita ng mga turista ang nakasampay na mga underwear at undergarments.

Ayon sa isang kagawad, dapat sa likod ng bahay nakasampay ang mga underwear at undergarments at hindi sa harap ng bahay.

Sa simula, paaalalahanan lang daw muna ng mga awtoridad ang mga lalabag. Pero kapag naulit, pagmumultahin na sila ng P300 at mas mabigat na parusa sa mga susunod na paglabag.

Sa Barangay Upper Rock Quarry naman, ipinagbabawal naman ang tsismisan dahil pinagmumulan daw ng away.

Katunayan, tatlo hanggang apat na away-magkakapitbahay ang idinudulog sa barangay kada buwan.

Sa ilalim ng ordinansa, ipagbabawal na mag-umpukan ang mga residente sa kalsada, labas ng bahay at maging sa mga tindahan.

Ang sinumang mapatutunayang tsismosa o tsismoso, pagmumultahin ng P300 hanggang P1,000, at may kasama pang isang araw na community service.

Pag-aaralan pa raw ng Sangguniang Panlungsod ang naturang ordinansa kontra sa mga tsismosa't tsismoso.-- FRJ, GMA News