Isang patay na sanggol ang bigla raw naglaho nang mahulog mula sa ikalawang palapag ng isang bahay sa Dumangas, Iloilo. Ang paniwala ng mga kaanak ng bata, kinuha ito ng aswang. Pero iba ang naging pahayag ng kanilang punong barangay.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi ng mga kaanak ng sanggol na tela at retaso na lang ang nakita nila sa lupa nang ihagis ang katawan nito mula sa ikalawang palapag ng isang bahay sa Dumangas, Iloilo.
Paniwala ng mga kaanak ng bata, kinuha at pinalitan ng umano'y aswang ang katawan ng sanggol.
Napag-alaman na gabi noong March 15 nang dalhin sa ospital ang bata. Pero kinaumagahan, pumanaw ang bata dahil sa 'di pa malamang sakit.
Makalipas ang ilang araw, kumonsulta raw ang lola ng sanggol sa albularyo, at sinabi raw nito na buhay pa ang sanggol.
"Umaalulong ang mga aso hanggang paggising ulit ng albularyo, kinain niya ang damit ni Toto. Oo, kinain niya kasi sinaniban siya, sinabihan niya kaming bantayang mabuti si Toto. Huwag n'yong pabayaan dahil hindi pa nila kinakain si Toto," sabi ng tiyuhin ng sanggol.
Pero ayon sa kapitan ng Barangay Cayos, hindi nawala ang sanggol dahil inilibing na ito.
"Nandoon kami, nandoon ako nu'ng inilibing. Nasementuhan nang maayos," sabi ni kapitan Rolando Ordoyo.
Bagaman totoo raw na may inihagis ang pamilya sa bintana, hindi raw sila sigurado kung nandoon nga ang sanggol.
Maging ang mga residente, duda sa kuwento ng pamilya ng bata at wala naman daw silang nababalitaang aswang sa kanilang lugar.
Sinubukan ng GMA News na balikan ang pamilya ng sanggol para kunan ng pahayag pero tumanggi na silang humarap sa camera. -- FRJ, GMA News
