Disgrasya ang inabot ng tatlong tricycle na nagkakarera umano sa kalsada sa Tanay, Rizal kahit pa mayroon silang mga pasahero, na dinig na dinig naman sa video ang matinding takot.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, makikita sa video na kuha ng isang pasahero na sakay ng humaharurot na tricycle sa Tanay, Rizal.
Ang tricycle na sinasakyan ng kumukuha ng video, makailang beses nagtangkang mag-overtake sa isang jeep.
Nang maunahan na niya ang jeep, doon na makikita ang tatlo pang tricycle na tila nag-uunahan sa pagpapatakbo sa kalsada.
Lalo pang humarurot ang tricycle na sinasakyan ng nagbi-video hanggang sa magkabanggaan na ang tatlong tricycle.
Tumaob pa isang tricycle na dahilan para masugatan ang mga pasahero at ang driver.
Dahil sa insidente, napag-alaman ng Rizal Police na walang lisensiya ang mga driver, at kolorum ang mga tricycle.
Nangako naman ang mga sangkot na tricycle driver na sasagutin nila ang gastusin sa insidente. -- FRJ, GMA News
