Parang celebrity na pinagkaguluhan at pinagyayakap pa ng ilang kabataan na kinabibilangan ng mga babae ang ilang Chinese na lumabas sa isang condominium sa Malate, Maynila. Ang mga kabataan, hindi pala fans kung hindi mga kawatan.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng CCTV na sinalubong ng mga kabataan ang mga Chinese at parang mga celebrity na niyapos at mayroon pang humahalik.

Ang hindi alam ng mga dayuhan, hindi fans ang mga nagkakagulo sa kanila kung hindi mga kawatan na bahagi ng modus ang pagyakap para madukot ang kanilang cellphone at wallet.

Ayon kay Gary Eresmas, clerk ng Barangay 719, dalawang wallet at isang cellphone ang natangay ng mga kawatan sa mga dayuhan.

Patuloy pang pinaghahanap ang mga kabataang kawatan.

Samantala sa paanan ng isa rin condominium building sa Malate, isang lalaki na labis ang kalasingan ang nawalan naman ng gamit matapos mabiktima ng kawatan na "eskoba" ang modus.

Unang napahiga ang biktima sa gilid ng bangketa pero isang lalaki ang kumuha sa kaniya at isinakay sa padyak para dalhin sa madilim na lugar para kunin ang kaniyang bag na may lamang pera at cellphone.

Nang mahimasmasan ang biktima, nagreport siya sa barangay.

Nahuli naman ang mga suspek nang makita sa CCTV na may umilaw sa bulsa nito nang tawagan ang cellphone ng biktima.-- FRJ, GMA News