May kakaibang pakulo ang isang pet cafe sa Chengdu, Sichuan province sa China kung saan puwedeng magmukhang panda ang mga alagang aso sa pamamagitan ng pagkukulay sa mga ito.
Ayon sa ulat ng Reuters, 1,500 yuan o $212.28 ang bayad para kulayan ng itim at puti ang mga aso upang magaya ang hitsura ng panda.
(Larawan mula sa Reuters)
Kaagad na napansin ng netizens ang naturang cafe nang mag-post ng larawan ng anim na chow-chow dog na mukhang panda ang may-ari ng cafe na si Lu Yunning.
“There are many dog cafes, cat cafes, raccoon cafes, alpaca cafes and duck cafes,” saad ng 21-anyos na si Lu. “We think they are not creative. We wanted something novel.”
Umaabot umano sa 70 hanggang 80 kostumer sa isang araw ang nagtutungo sa kanilang cafe, ayon pa kay Lu, na nadoble mula nang i-post niya ang mga larawan ng kaniyang mga aso.
Pero mas interesado raw ang mga ito na magpakula ng larawan kasama ang kanilang mga aso kaysa magpakulay ng kanilang mga alaga.
Tiniyak naman ni Lu na hindi nakasasama sa mga aso ang kulay na kanilang ginagamit.
Amg animal rights group na PETA, hindi inirerekomenda na pakulayan ang mga aso.
“Coating dogs with chemical dyes is stressful and can even cause allergic reactions on their skin, nose, and eyes,” sabi sa Reuters ni Jason Baker, Asia vice president ng PETA.
“PETA urges travelers to stay away from any business that exploits animals for a money-grabbing gimmick,” dagdag niya sa pahayag.
Mayroon din umanong nagkomentong mga netizen na pang-aabuso sa hayop ang ginagawa ni Lu.-- Reuters/FRJ, GMA News

