Nagmistulang costume party ang pagsusulit ng ilang estudyante sa isang paaralan sa Bayawan City, Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation With Jessica Soho" nitong Huwebes, bitbit ng mga estudyante sa kanilang test ang mga ginawa nilang head gear na pangontra sa kopyahan.

May ibang todo effort at hinango pa mula sa kanilang paboritong karakter sa video games, at anime.  May ilan din na nakakuha ng inspirasyon sa ginanaganap na SEA Games.

Ginanahan daw ang mga estudyante na gumawa ng kanilang head gear kontra-kopya dahil may extra points sa guro ang may pinakamagandang gawa.

Bukod sa makukuhang marka sa pagsusulit, may idineklara ring winner sa disenyo ng head gear na napunta sa mala-pea shooter na hango sa video game.

Ayon sa guro ng mga bata na si Irwin Borromeo, bukod sa gusto niyang matuto ang kaniyang mga estudyante na maging honest at magsumikap sa pag-aaral,  paraan din daw ito para mabawasan kahit papaano ang stress ng mga bata sa exam.

"Just for the fun of it, and then para din naman na maipalabas nila 'yung parang anxieties nila and creativity nila during the exam," paliwanag niya.

Bukod dito, nais din niyang bigyan-diin  sa mga estudyante na hindi maganda ang mangopya at hindi sila magkakaroon ng magandang kinabukasan kung gagawin iyon.--FRJ, GMA News