Habang papalapit ang bagong taon, unti-unti nang dumarami ang mga mamimili ng mga paputok at pailaw sa Bocaue, Bulacan.  Kahit nga ang ambulansiya, nakitang pinagkargahan ng mga paputok na binili ng isang grupo ng kalalakihan.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing naging tawag-pansin sa ilang namimili ang naturang ambulansiya na pula ang plaka.

Habang papaalis ang ambulansiya, sinubukan ng GMA News na tanungin ang driver nito kung bakit  ginagamit ang sasakyan na kargahan ng mga paputok.

Idinahilan nito na para umano sa kasal ang biniling paputok, sabay alis.

Samantala, nakabantay naman ang mga pulis mga tindahan para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga tao.

Kaagad na sinita ng mga pulis ang isang lalaki na naninigarilyo na natuklasang kabilang sa mga nagtitinda ng paputok.

Mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa lugar dahil posible itong pagmulan ng disgrasya.  Nakahanda na rin ang mga fire extinguisher, drum ng tubig at buhangin sa mga tindahan.

Binabantayan din na mga legal na paputok lang ang mabibili sa lugar.

Nagtaas na rin ang presyo ng ilang paputok lalo na ang mabentang kwitis na ikinatuwa ng mga nagtitinda.

Nakipag pulong naman sa Philippine National Police ang Philippine Pyrotechnic Manufacturers and Dealers Association Incorporated para isumbong na may mga nagbebenta pa rin ng paputok na piccolo sa Divisoria sa Maynila.

Mahigpit na ipinagbabawal ang piccolo na madalas na mga bata ang nadidisgrasya. 

Nangako naman ang pulisya na aaksyunan ang reklamo.--FRJ, GMA News