Nabisto ang isang kumpanya sa gumagamit ng wrapper ng condom para sa kanilang lollipop. Ang Food and Drug Administration, iniutos na alisin sa merkado ang naturang produkto.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing naglabas ng public advisory ang FDA nitong Martes laban sa brand ng lollipop na Dipzy Cornpop Lollipop na lumabas sa merkado.

Bagaman hindi kaagad mapapansin sa unang tingin na pabalat ng condom ang ginamit sa lollipop, maaaninag naman sa foil pack nito ang logo ng isang brand ng condom.

“Kapag tiningnan mo siya, mapapansin mo bakit parang merong condom. Yun pala, kapag tinanggal mo, talagang wrapper siya ng condom,” sabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Eric Domingo, OIC-FDA.

“We consider this an adulterated product kasi ang produkto nya ay pagkain, in fact it’s a confectionery for children. Kaya lang nakita natin na yung pambalot niya, ang ginamit ay hindi pambalot ng pagkain kundi pambalot ng condom so 'pag ganito, nagkakaron tayo ng duda,” paliwanag pa niya.

Bukod sa materyal ang ginagamit bilang wrapper, hindi rin daw matitiyak kung paano ang naging handling ng naturang produkto bago ilabas sa merkado dahil wala rin daw itong certificate of product registration.

Mismong ang mga abogado naman ng brand owner ng Durex sa Pilipinas ang nagreklamo sa FDA tungkol sa packaging ng Dipzy Cornpop Lollipop .

Binibigyan ng FDA ng sapat na panahon ang manufacturer ng lollipop na MM Lucky Multisales Corporation, para i-recall o alisin sa mga tindahan ang kanilang produkto.

Pinuntahan ng GMA News ang address ng manufacturer pero wala raw noong awtorisadong magbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News