Tila sinasamantala ng mga baboy-damo ang pagliliwaliw sa lansangan ng lungsod ng Haifa sa Israel habang hindi makalabas ang mga tao bunga ng pinaiiral na lockdown dahil sa COVID-19.

Sa ulat ng Reuters, makikita ang mga baboy-damo, na ang iba ay may kasama pang mga baby, na gumagala sa kalye, naghahalungkat ng basura at nanginginain sa mga halaman sa bakuran.

Noon pa man ay may nakikita na umanong mangilan-ngilan na baboy-damo na naliligaw sa lungsod pero pambihira umano ang dami nila ngayon at nagiging madalas na ang kanilang pagdating.

 

 

Bukod dito, gumagala na rin daw kahit maliwanag pa ang mga naturang hayop na kilalang "nocturnal," o aktibo lang sa gabi.

"We are scared to go out, even to throw out the garbage. I don't which way the boars will come," sabi ni Meirav Litani. "They come here and turn over our garbage dumpsters ... This is lack of protection. We actually feel defenseless."

May mga nangangamba rin na baka magdala ng sakit ang mga baboy.

Sa ngayon, umaasa ang mga tao sa mga volunteer animal-rights activists para itaboy ang mga baboy. --Reuters/FRJ,GMA News