Inilikas ang ilang pasyente sa isang ospital sa Naples nang gumuho dahil sa sinkhole ang isang malaking bahagi ng carpark sa lugar.

Dahil sa sinkhole, ilang sasakyan ang nahulog sa hukay, at naputol ang linya ng tubig at kuryente sa Ospedale del Mare, ayon sa ulat ng Agence-France Presse.

Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente.

Ang sinkhole ay may sukat na 500 square metres (5,400 square feet), ayon sa awtoridad.

Isinisisi ni Vincenzo De Luca, pinuno ng Campania region na kabilang ang Naples, ang nangyaring sinkhole dahil sa "hydro-geological problem."

Dahil sa insidente, "the ward is temporarily closed because of the absence of hot water and electricity," ayon sa local health service.

Naging sentro umano ng coronavirus patients ang ospital noong first wave of infections noong nakaraang taon. Pero nang maganap ang insidente nitong Biyernes, anim lang ang pasyente na may COVID-19. --AFP/FRJ, GMA News