Nanlumo ang mga may-ari ng limang kambing nang makita nilang patay ang kanilang mga alaga at wakwak ang tiyan sa Barangay Lacuben sa Badoc, Ilocos Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing nasa pastulan ang mga kambing.

Bukod sa limang namatay, dalawang kambing pa ang sugatan.

Hinala ng mga may-ari ng mga hayop, aso ang umatake sa mga kambing batay sa nakitang mga sugat sa mga ito.

Kaagad naman daw kinatay ang mga kambing.

Pero sabi ng Provincial Veterinary Office, hindi dapat basta katayin ang mga kambing dahil baka mayroong rabies ang umatakeng aso.

Maaari kasing maipasa ang rabies sa mga kambing at magdulot ng peligro sa mga makakakain nito. --FRJ, GMA News