Hindi napigilan ng isang misis sa Mexico na magselos at pagsasaksakin ang kaniyang mister nang makita sa cellphone ang larawan na may kasama itong mas "batang" babae. Pero ang pinagselosan na babae, siya pala noong bata pa.

Sa isang ulat ng Yucatan Magazine, sinabing nangyari ang insidente sa Sonoram Mexico at inaresto ang babae na itinago sa pangalang "Leonora."

Ayon sa mga awtoridad, nagalit si Leonora sa mister na itinago sa pangalang "Juan" nang makita sa cellphone ang mga larawan na may kasamang mas batang babae.

Kumuha ng patalim ang misis at inundayan ng saksak ang kaniyang mister na hindi kaagad nakapagpaliwanag.

Pero nang maagaw ni Juan ang patalim, doon lang siya nagkaroon ng pagkakataon na sabihin sa galit na galit na misis na siya ang babae sa litrato noong mas bata pa at nagdi-date pa lang sila.

Ipinaayos daw sa computer ni Juan ang larawan nila na mas balingkinitan pa ang katawan ng asawa upang mailagay sa cellphone.

Kaagad namang tumawag ng pulis ang kapitbahay ng mag-asawa nang madinig nila ang kaguluhan.

Ikinulong si Leonora habang hinihintay pa kung magsasampa ng kaso ang kaniyang mister.--FRJ, GMA News