Viral ang isang lalaki sa India dahil sa kakaiba niyang pangalan na katunog ng respiratory disease-- si Kovid Kapoor.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita," sinabi ni Kovid, co-founder ng isang trip planning website, na marami raw ang naaliw kapag nalaman ang kaniyang pangalan.
May gumagawa pa nga raw ng memes tungkol sa kaniya.
Wala naman problema rito si Kovid at kung minsan ay siya pa mismo ang nagtu-tweet ng mga joke tungkol sa kaniyang pangalan.
"My name is Kovid and I am not a virus," minsan na post ni Kovid.
Napag-alaman na hindi talaga pangkaraniwan ang pangalang Kovid sa India na ang kahulugan ay iskolar o may pinag-aralan na tao sa Hindi at Sanskrit.
Kahit na may pagkakontrobersiya, wala daw balak si Kovid na palitan ang kaniyang pangalan. --FRJ, GMA News
