Sa isang pambihirang pagkakataon, nabalot ng snow ang sand dunes sa Saudi Arabia na hindi naman karaniwang nangyayari.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing naganap ang pambihirang pangyayari noong Enero 11, sa sand dunes ng Al Madinah Province, na kilalang pasyalan doon.

Bago ang pag-ulan ng yelo na tumakip sa mga buhangin, nagkaroon daw muna ng hail storm sa labas ng Badr City nang biglang bumagsak ang temperatura.

Nangyari 'yan ilang araw lang matapos din ang rare snowfall na naranasan naman sa Tabuk City, naging dahilan para mabalot din ng yelo ang ilang lugar na hindi rin pangkaraniwan.

Ayon sa mga meteorologist, bagaman posible naman ang snow sa Saudi Arabia, hindi naman daw iyon karaniwang nangyayari.

Katunayan noong 2021, naranasan ng sikat na Sahara Desert ang kauna-unahang snowfall sa loob ng mahigit 50 taon.

Pero hindi lang ang Saudi Arabia ang nakararanasan ng tinatawag na "freak weather" incident.  Sa Argentina, hindi snow ang problema kung hindi labis na init naman umabot sa 45 degrees Celsius.

Dahil sa sobrang init, binansagan ang naturang bansa na "hottest place on the planet."

Makasaysayan ang nararanasang heat wave doon na record high, at nagdudulot ngayon ng matinding epekto sa mga tao, sa kapaligiran at agrikultura. --FRJ, GMA News