Nagising na lang ang mga residente sa isang barangay sa  Banaybanay, Davao Oriental na kulay orange o kalawang na ang tubig sa kanilang ilog na papunta sa dagat. Alamin ang natuklasan na sanhi nito.

Sa segment na "Kuya Kim Ano Na?" sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, napag-alaman din na ilang isda ang namatay nang biglang magbago ang kulay ng tubig sa ilog.

Dahilan ito para mangamba ang mga residente sa posibleng epekto sa kanilang kalusugan sa pagbabago ng tubig.

Nangangamba rin sila na maapektuhan ang kanilang kabuhayan sa pangingisda dahil diretso rin sa dagat ang tubig na nanggaling sa ilog.

Napag-alaman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 11, na nagbago ang kulay ng tubig sa ilog matapos na magkaroon ng malakas na buhos ng ulan noong Enero 13 hanggang 15.

Ang pagbabago ng kulay ng tubig sa ilog, ayon kay executive director Bagani Fidel Evasco, ay bunga ng massive siltation na sandhi ng soil erosion o sediment spill mula sa minahan.

“Naging kulay kahel ang dagat dahil sa iron content ng sediments,” dagdag ni Evasco.

“Walang magagamit na malinis na tubig kasi kulay putik na. Wala nang huli kasi polluted na ang dagat namin,” ayon sa isang residente. “Dito kami naglalaba, dito kami naliligo. Sana tulungan niyo kami.”

“Masakit din sa’min dahil yung mga taga rito sa lugar namin, hanapbuhay nila ay pangingisda lang," saad ng isa pang residente.

Naglabas na ang DENR Region 11 ng notice of violation at cease and desist order laban sa mining company na responsable sa pangyayaro.

Kung hindi sila tutugon, ipapasara daw ng kagawaran ang minahan.--FRJ, GMA News