Sa edad na 102-anyos, nagkampeon ang isang lolo sa Thailand Master Athletes Championship matapos niyang tapusin ang 100-meter run sa loob lamang ng 27.08 segundo.

Kinilala ang lolo na si Sawang Janpram na itinuturing din na oldest athlete ng Thailand.

Nasungkit ni Lolo Sawang ang gintong medalya sa naturang paligsahan hindi lang sa sprint kundi maging sa long jumps, discus at javelin throw.

Nasa 2,000 ang kasali sa Thailand Master Athletes Championship kung saan edad 35 anyos pataas ang mga atleta.

Bago sumabak sa sports event si Lolo Sawang, dalawang linggo muna siyang nagsanay kasama ang 70-anyos na anak na si Siripan, na tumatayo niya ring coach.

Ayon sa mag-ama, hindi nila hinahayaan na matengga nang matagal ang kanilang katawan kaya patuloy lang sila sa pag-eehersisyo, may pinaghahandaan mang sports meet o wala.

Ito na rin ang nagsisilbing sikreto ni Lolo Sawang sa mahaba niyang buhay at matibay na pangangatawan.

"Getting into sports made me strong and well. On top of this, exercising helps improve your appetite, so you eat well too," sabi ni Lolo Sawang.

"My father is a positive-thinking man. He never thought of things the other way around. He always has positive thoughts and is in a good mood, so he is in great mental health condition. In terms of physical health, he has gotten much stronger. Before he got into sports, his hands were trembling but it has since stopped. Exercising has played a big part in that," sabi naman ni Siripan. — VBL, GMA News