Dismayado ang isang fire volunteer na rumesponde sa Baseco, Tondo sa Maynila matapos manakaw ang kaniyang motorsiklo. Isang lalaki rin na tumutulong sa nasunugan ang sinaksak naman ng ice pick.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, magkikitang kaniya-kaniya ng salba ng gamit ang mga residente matapos na sumiklab ang sunog sa Baseco compound dakong 8:00 am.

Sa gitna ng kaguluhan, isang residente na tumutulong sa mga nasunugan ang napagtripan umano at sinaksak ng ice pick sa likod.

Dismayado naman at halos mawalan ng ganang tumulong ang fire volunteer na si Mar Flordeliza, nang manakaw ang kaniyang motorsiklo.

"Wala tayong magagawa, likas talaga 'tong mga tirador [magnanakaw]. Tumutulong ka na nga dito sa nasusunugan pagnanakawan ka pa," hinanakit niya.

Isang menor de edad din ang nahuli na nagnanakaw ng kable ng kuryente.

Pero pag-amin niya, marami silang kumukuha roon.

Ito ang unang sunog sa Baseco ngayong 2022. Pero batay sa GMA News Reseach, 11 beses na nagkaroon ng sunog sa lugar noong 2021.

Pansamantalang tutuloy sa evacuation center ang mga nasungan.--FRJ, GMA News