Daig pa raw ng isang lalaki sa Antique ang mga baka na apat ang nipple o utong. Ang lalaki kasi, hindi lang dalawa o tatlo, kung hindi lima ang utong!
Pagkasilang pa lang daw ni Alvin, napansin na raw ng kaniyang mga magulang na higit sa dalawa ang kaniyang utong.
Sa una, apat ang naging malinaw na utong ni Alvin, pero nadagdagan pa ito ng isa nang magbinata na siya.
Wala naman daw problema kay Lovelyn ang pagkakaroon ng kaniyang mister ng limang utong. Katunayan, lalo pa raw nagiging guwapo sa paningin niya ang kabiyak kapag nakikita ang mga utong nito.
Pero bukod kay Alvin, napag-alaman na may sobra din na dalawang utong ang kaniyang kapatid na si William.
Bakit nga ba ang daming utong nina Alvin at William?
Ayon sa isang breast surgeon, ang magkapatid ay mayroong kondisyon na tinatawag na "polythelia."
Karaniwan daw na congenital anomaly ang dahilan ng pagkakaroon ng sobrang utong.
Maituturing na hindi pangkaraniwan ang kaso ng magkapatid--lalo na si Alvin. Bagaman nangyayari naman talaga polythelia, pero karaniwang isang utong lang daw ang ekstra o tatlo ang utong.
Kaya pambihira daw ang kaso ng magkapatid, lalo na si Alvin na mayroong utong na lima.
Puwede naman daw ipatanggal ang sobrang utong. At maaari ding panatilihin na lang kung wala namang itong idinudulot na problema sa katawan o sa kalusugan ng tao.
Kaya ang tanong, may balak kaya si Alvin at kapatid niya na ipagtanggal ang sobra nilang utong? Alamin sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang kanilang sagot.
Tunghayan din ang kuwento sa likod ng mala-cobrang katawan ng isang 18-anyos na lalaki sa Misamis Oriental. Panoorin. --FRJ, GMA News
