Mayroon nang contact lenses na mala-smartphone ang dating. Pero sa halip na daliri, mata ang gagamitin para kontrolin ito.

Sa video ng GMA News "Next Now," sinabing Mojo Lens ang tawag sa pinakabagong teknolohiya na ito sa mata.

Nagiging parang higanteng screen umano ang ang paligid ng taong may suot nito.

May gabutil itong microLED display na nakakabit sa mga lente. Nakokontrol ang software sa pamamagitan ng paggalaw ng mata.

At kahit may lumilitaw na mga display, hindi nito mahaharangan ang paningin ng taong nagsusuot.

"It turns out that the display is so small and close to your eye that your eye essentially looks around the display," ayon kay Mike Wiemer, CTO and Co-founder ng Mojo Vision.

Scleral ito o nakalapat hanggang sa puting bahagi ng mata kaya komportable raw na suotin.

"We custom-fit each lens to your eyes so that it's extremely comfortable to wear. It doesn't rotate or slip on the eye," pagtiyak ni Wiemer.

Magagamit ang Mojo Lens sa sports, mga presentasyon sa opisina at iba pa.

Sa ngayon, berde pa lang ang kulay ng display sa Mojo Lens pero parating na raw ang full-color version nito.  --FRJ, GMA News