Idinisenyo ang isang bionic exoskeleton na tumutulong para muling makapaglakad at makapaglaro ang mga batang may mga kapansanan.
Sa "Next Now," sinabing ang Atlas 2030 pediatric gait exoskeleton ang kauna-unahang rehabilitation device na sadyang dinisenyo para sa person with disability (PWD) kids.
Kabilang sa mga batang tinutulungan ng Atlas pediatric gait ang mga mayroong neuromuscular diseases tulad ng paraplegia, cerebral palsy at muscular atrophy.
May motor unit at elastic technology at sensors para sa brain signals ang exoskeleton, para mapagalaw ito ng sinomang gumagamit.
"The exoskeleton is attached to his legs, his trunk, his body, and replaces those muscles the child uses when trying to move. The exoskeleton detects that effort and gives him the strength he needs to move," sabi ni Elena Garcia Armada, founder at CEO ng Marsi Bionics.
Maaaring ipalit sa wheelchair ang makabagong exoskeleton kit para mabigyan ang milyon-milyong PWD sa buong mundo na maranasan ang laya at saya ng pagiging bata. —Jamil Santos/VBL, GMA News
