Napuno ng halakhakan ang isang masayang kasalan nang ilang ulit na magkamali ang groom sa pagbibigay ng kaniyang wedding vow. Sa isang pagkakataon, nasabi niya na gusto niyang maging "bahay" ang kaniyang bride. Bakit nga ba nangangarag si lalaki? Alamin ang nakatutuwang kuwento.

Sa report ni Darlene Cay sa "Brigada," sinabi ng groom na si Lloyd Alfie Magpantay, na labis daw kasi ang kaba niya nang sandaling iyon.

"Kita niyo naman po siguro na, nasa dulo na siya ng dila ko pero hindi ko pa siya mabanggit dahil sa sobrang kaba po. Pinaulit sa akin ni padre pero talagang sobrang kaba ko po, na halo na po 'yung saya dahil sunod na po kasi 'yung kiss," paliwanag niya.

Kinagiliwan ng netizens ang nakakatuwang palitan ng wedding vows nina Lloyd at ng bride niyang si Stephanie, na ilang beses nagkamali si Lloyd, at biniro pa siya ng pari.

"Stephanie, tinitipan kita na kaniyang bahay... Aking bahay, na may-bahay..." sabi ni Lloyd sa seremonya na ikinatuwa ng mga dumalo sa kanilang kasal.

"Stephanie, sa harap ng Diyos at ng Kaniyang sambayanan, tinitipan kitang maging aking bahay," muling pagsablay ni Lloyd, na lalong ikinahalakhak ng mga bisita.

At nang ipabasa na ng pari ang wedding vows, hindi pa rin naiwasan ni Lloyd na magkamali.

"Tinitipan kitang maging aking maybahay, sa harap at ginhawa," sabi ng binata, na dapat sana'y "hirap at ginhawa."

Bago humantong sa kasalan ang relasyon nina Lloyd at Stephanie, hindi biro ang pinagdaanan ni Lloyd para makuha ang matamis na oo ng kaniyang minamahal.

"Gusto po niya 'pag nagustuhan po niya ay kuha agad. Medyo nahirapan po siya sa pagkuha ng number ko po," kuwento ni Stephanie.

Gayunman, hindi sumuko si Lloyd.

"Nagkaka-text na po kami, nalaman ko na hindi siya puwedeng magpuyat, mahina siya sa puyatan. Chinallenge ko po, na kung kaya niyang magpuyat. Sinusubukan po niyang umabot ng 12 a.m., hindi po niya kayang abutin. Noong December 2, 2013 po, nakaya po niyang abutin, sinagot ko na," sabi ni Stephanie.

Pang-forever na pagsasama bilang mag-asawa ang hangad nina Lloyd at Stephanie.

"Ang message ko sa asawa ko ay una muna, I love you. Sana ay magtagal habambuhay 'yung ating pagsasama," mensahe ni Lloyd kay Stephanie.

"Alfie, I love you too. Sana mas tumindi pa 'yung pagkapit natin sa isa't isa. Magbigayan, laging pakinggan ang isa't isa. huwag sa iba makikinig, at bawasan ang pagkakamali-mali sa pagsasalita," mensahe ni Stephanie kay Lloyd.-- FRJ, GMA News