Isang dalagita sa Iloilo City ang pinagtulungang bugbugin ng dalawang babae dahil lang umano sa isang lalaki. Pero ang lalaki, itinangging may relasyon siya sa dalawang babae at ipinaliwanag na malambing lang talaga siyang mag-text.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni "Marie," kung paano siyang pinagtulungang saktan ng babae na si "Cheryl," at ng kaibigan nito sa isang car show noong October 10.
Nagtamo ang dalagita ng galos sa mukha, sugat sa kaliwang tenga at pamamaga ng mata.
“Sinuntok, kinaladkad, at sinipa niya ako. Kahit andyan na ‘yung mga pulis sinipa niya pa rin ako,” sabi niya.
“Hindi ko matanggap na napahiya ako sa mga tao dahil sa lalaki lang,” dagdag pa ni Marie.
Ayon kay Marie, nagsimula raw ang away nila ni Cheryl dahil sa dati niyang nobyo na si "Jay-r."
Matapos raw kasi ng isang taon nilang relasyon ay nadiskubre niyang mayroon pala itong ibang kinakasama.
Saad niya, hindi niya alam ang tungkol sa ibang relasyon ng nobyo at mula nang malaman ay napagdesisyunan niyang layuan na ito.
Duda naman si Cheryll at sinabing ang dalagita mismo ang patuloy na nakikipag-usap sa lalaki.
“Nagcha-chat pa po siya kay ‘Jay-r’ kasi hawak ko account niya eh,” sabi pa ni Cheryll, na una raw nakarelasyon ni Jay-r.
Parehas nakipaghiwalay ang dalawa sa binata ngunit naging mainit pa rin ang kanilang palitan ng mensahe.
Isang beses, tinawag umano nang masamang pangalan ni Marie si Cheryll at ang pamilya nito — isang akusasyon na itinanggi naman ng dalagita.
“Wala akong sinabing pokpok ang pamilya niya kasi hindi ko naman sila kakilala,” sabi ni Marie.
Ipinagharap-harap ng KMJS ang tatlo ngunit para kay Jay-r, wala siyang kasalanan sa nangyari. Malabing lang daw siya sa kapag nagte-text.
“Wala akong kasalanan. Bakit ako ang sisisihin? Wala naman akong karelasyon sa kanilang dalawa. 'Di totoo na lumalapit ako kay ‘Marie’, siya ang kusang lumalapit sa akin. Di rin kami magka-live in ni ‘Cheryl’,” aniya.
Matapos ang away ay nakulong ng apat na araw sina Cheryll at ang kaibigan nito dahil sa paglabag sa Republic Act 7610 o “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination,” dahil menor de edad si Marie na kanilang sinaktan.
Paliwanag ng abogado na si Atty. Karen Jimeno, maaaring pumasok sa paglabag sa RA 7610 ang ginawa nina Cheryll at kaibigan sa menor de edad na si Marie. Kabilang sa parusa sa ilalim ng batas na ito ay ang pagkakakulong na anim hanggang labindalawang taon.
“Di maaring gamitin na dahil na mayroong kasalanan ang biktima,” sabi ni Jimeno.
Nagsisisi umano si Cheryll ngunit desidido si Marie na ituloy ang kaso laban sa kaniya. Nangako rin siya na magbabago na.
“Pagkatapos po nito lalayo ako rito. Hihintayin ko ang araw kung kailan mo ako mapapatawad,” sabi ni Cheryll kay Marie.
Ayon naman sa Municipal Social Welfare and Development (MSWD), parehong nakararanas ang dalawang babae ng physical abuse, emotional abuse at psychosocial abuse.
“Ang MSWD, maaari ng i-assist ang client for psychosocial at financial assistance for medical,” sabi ng social worker na si Elna Academia. --FRJ, GMA News
