Kahit tila naglalaro lamang, naniguro na ang mga opisyal ng isang barangay sa Naga City, Camarines Sur, na pansamantalang ipakalinga sa city social welfare department ang apat na batang magkakapatid na nanutok umano ng pako sa dalawang babaeng estudyante na naglalakad sa daan.

Sa ulat ni Jessie Crusat sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing papunta sa isang covered court para mag-ensayo ng volleyball si Kathlyn Toral at kaniyang kasama sa Zone 1 ng Barangy San Felipe, nang makita nila ang apat na bata sa kanilang dadaanan.

Lumapit umano sa kanila ang isa sa mga bata at may hawak na matalas na bagay at itinutok sa kanila.

Hindi naiwasan ng dalawang estudyante na matakot sa maaaring gawin ng mga bata.

"Una pong tinutukan nila nung hawak nilang patalim is ako po, ako po yung nagbi-video, tapos takot na takot na po kaming dalawa siyempre po may patalim na hawak eh," patungkol ni Toral sa hawak na matalas na bagay na lumitaw na pako.

Ang mungkahi ni Toral, sana ay mayroon tanod na nagbabatay sa lugar dahil may covered court doon.

Nang malaman naman ng punong barangay na si Alfonzo Rodriguez ang insidente, inalam niya kung sino ng mga bata at kinausap ang mga magulang nito.

Napag-alaman na magkakapatid ang apat na bata at hindi lubos na nababantayan dahil maysakit ang ina, at nakakulong ang ama.

Pumayag naman ang ina ng mga bata na dalhin muna ang kaniyang mga anak city social welfare department para matutukan ang kanilang mga pangangailangan.

"Though puwedeng sabihin na naglalaro lang ang mga bata, pero mahirap ito kasi hindi natin hawak ang isip ng mga tao na puwedeng maapektuhan," paliwanag ni Rodriguez.--FRJ, GMA Integrated News