Nahuli-cam ang pagti-'trip' ng isang lalaki na naghanap ng dinosaur sa tindahan ng isang inihaw na manok sa Daet, Camarines Norte. Pero inaresto siya matapos na magbanta umano na mamamaril ng mga kostumer.

Sa ulat ni Jessie Cruzat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nabahala ang mga kostumer at empleyado sa tindahan dahil sa paggawa ng eksena ng lalaki sa labas ng tindahan na naghahanap ng dinosaur.

Nagbanta umano ang lalaki na babarilin ang ibang kostumer kaya tumawag na sila sa pulis. Kaagad namang rumesponde ang mga awtoridad at inaresto ang lalaki.

Naniniwala ang empleyado ng naturang tindahan na nagti-trip lang ang lalaki dahil mayroon pa itong kasama na isang lalaki na nagbi-video habang gumagawa ng eksena ang inarestong lalaki.

“Tindahan ito ng lechonan ng manok. Ang problema naman itong bumibili ang hinahanap na bibilhin ay dinosaur,” saad ni Daet Municipal Police Station chief Police Lieutenant Colonel Arnel de Jesus.

Itinanggi naman ng inarestong lalaki na may dala siyang baril.

Mahaharap ang lalaki sa reklamong grave threat at alarm and scandal. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News