Bukod sa magandang kita, may posibleng bonus pang mga gintong alahas na puwedeng makuha sa mga ukay-ukay na bag na itinitinda ng isang online seller mula sa Zamboanga del Sur.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng online seller na si Chernime Pabalete, na mga imported at branded na bag ang ilan sa mga itinitinda niyang bag na P15,000 ang puhunan.

Nabibili niya ang mga bag sa kaibigan at online seller din na mula sa Cagayan de Oro City na si Maymay Gador.

Ang isang sako, naglalaman umano ng nasa 25 hanggang 60 ng bag, na naibebenta ni Chernime ng mula P150 hanggang P2,000 ang isa.

Sa isang linggo, nakakaubos umano si Chernime ng tatlo hanggang limang sako ng ukay bags, at kumikita siya ng hanggang P7,000 sa isang araw.

Pero bukod sa maayos na kita, may posibleng bonus pa kapag nakakuha sila ng mga alahas na nakasiksik sa bag.

Minsan na raw nakakuha si Chernime ng singsing sa bag na umabot sa P20,000 ang presyo. Habang si Maymay, umabot ng P50,000 ang halaga ng mga alahas na nakita rin niya sa ukay bag.

Pero kamakailan lang, nakadiskubre muli si Chernime ng isang pares ng hikaw na may diamond, at gintong kuwintas na may palawit na hugis puso, sa loob ng bag na hindi niya maibenta kahit ibagsak na niya ang presyo nito sa P150.

Ibinibigay din daw niya ang naturang bag sa kaniyang kapatid pero tinanggihan din nito ang bag, at pumili ng iba.

Hanggang sa maisipan niya na isalang muli sa live selling ang naturang bag. Pero habang nililinisan niya ito, may nakapa siyang sa loob sa bahaging ilalim nito.

At nang kaniyang halungkatin, tumambad na ang naturang pares ng hikaw at gintong kuwentas. Pero tunay kayang mga alahas ito at magkano kaya ang presyo?

Tunghayan ang buong kuwento at ang resulta nang ipasuri ni Chernime ang naturang alahas na kaniyang labis na ikinatuwa. Panoorin ang video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News