Ang masayang videoke session sa isang pamilya sa Bayugan City, Agusan del Sur, napalitan ng kilabot nang may bigla umanong sumingit na matandang boses ng babae at lumang kanta ang inawit. Multo nga kaya ang misteryosong tinig na kanilang nai-record?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nangyari ang insidente noon lang nakaraang linggo sa bahay nina Christine.

Nang sandaling iyon, wala naman daw silang kasamang matanda nang biglang may nadinig silang boses ng matandang babae na kumakanta ng awiting hindi sila pamilyar.

Tumigil sila Christine sa pagkanta at ini-record ang misteryosong awitin na natapos ang buong kanta bago nawala.

Naging malaking palaisipan kina Christine kung saan nanggaling ang mahiwagang tinig dahil bukod sa wala silang kasamang matanda, wala rin ibang aparado na nakasaksak sa speaker ng kanilang videoke machine.

Hinala nila, baka ang misteryosong tinig ay isa sa tatlong matanda na kanilang kamag-anak pero pawang namayapa na.

Gaya nila, mahilig ding daw na kumanta ang mga nakatatanda nilang sumakabilang-buhay na.

Para naman malaman kung ano ang kinanta ng misteryosong tinig, ini-upload ni Christine ang kanilang nai-record na tinig.

Dito na nila nalaman na ang kanta ay may pamagat na "Dolor," na nilikha noong 1990s. Isa itong love song tungkol sa lalaking umiibig kay "Dolor," pero hindi siya gusto dahil walang yaman ang lalaki.

Nang magsagawa ng imbestigasyon ang "KMJS" team, natuklasan nila na may isang babaeng matanda na nakatira ilang metro ang layo sa bahay nina Christine na kaboses umano ng mahiwagang tinig.

Nakilala ang naturang matanda na si Nanay Erlinda, na nagsabing nag-videoke rin siya sa oras at araw nang mag-videoke rin sina Christine at nai-record ang misteryosong tinig.

Bukod doon, inamin din ni Nanay Erlinda na ang awiting kinanta niya ay ang "Dolor."

Nang ipakanta muli kay Nanay Erlinda ang "Dolor," kapansin-pansin ang malaking pagkakahawig ng kaniyang boses, sa nai-record na tinig nina Christine.

Pero kung ang boses nga ni Nanay Erlinda ang nai-record sa videoke session nina Christine, papaano ito nangyari gayung ilang metro ang layo nito sa bahay nila? Hindi rin naman nakasaksak sa kanila ang aparatong gamit ni Nanay Erlinda.

Ang isang physics professor, may paliwanag kung papaano ito nangyari. Alamin ito sa buong kuwento ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News