Kahit walang sperm at egg cell, matagumpay pa rin na nakabuo ng embryo ng tao sa pamamagitan ng stem cells ang mga siyentipiko sa University of Cambridge sa England.
Sa ulat ng "Next Now," sinabing wala pang heartbeat o utak ang embryo pero may cells ito na bubuo sa placenta at yolk sac.
Ayon sa unibersidad, minanipula nila ang embryonic stem cells o mga cell na nakukuha sa tunay na embryo ng tao na hindi pa nai-implant o inilalagay sa uterus.
Ilegal pa kasi sa kasalukuyan o hindi pa pinapayagan ng batas ang pag-implant ng synthetic embryo sa tao. Kaya hindi pa malinaw kung kaya nitong magtuloy-tuloy na mabuo.
Ngunit sinabi ng mga siyentipiko na makatutulong ang synthetic embryos sa pag-aaral sa early development ng isang tao.
“You can gain an awful lot of information about how we begin development, what can go wrong, without having to use early embryos for research,” sabi ni Robin Lovell-Badge ng Francis Crick Institute.
Nitong mga nagdaang taon, may mga nabuo nang synthetic embryos ng mga hayop ngunit hindi nagtuloy-tuloy ang pagbuo nito nang maikabit sa sinapupunan ng hayop.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
