Kumalat kamakailan sa social media ang video na tila nire-revive ng isang aso ang kapuwa niya aso na bigla umanong "namatay" sa Negros Oriental.

Sa isang episode ng programang "I Juander," makikita ang isang brown na aso na paulit-ulit na kinakagat ang isang puting aso na nakahiga at hindi na gumagalaw.

Sa naturang video na ini-upload ni Esperanza Casi Mendez, madidinig ang mga tao na naaawa sa puting aso na umano'y patay na.

May nagtatanong din kung mabubuhay pa ng brown na aso ang puting aso.

Paulit-ulit na ginakagat ng brown na aso sa braso, binti, at leeg ang puting aso.

Kung pagmamasdang mabuti ang video, mapapansin na tila hindi na gumagalaw ang tiyan ng puting aso. Pero pagkatapos ng ilang ulit na pagkagat ng brown na aso, gumalaw na at tila huminga ang puting aso.

Hanggang sa tuluyan nang kumilos ang puting aso at halos kagatin na niya ang brown na aso na mistulang nag-revive sa kaniya.

Sa text message sa "i-Juander," sinabi ni Mendez na asong-gala at buntis umano ang puting aso na biglang namatay o hinimatay.

Samantala, alaga naman daw kaniyang kamag-anak ang brown na aso na napadaan sa puting aso na bigla nitong kinagat-kagat ng ilang minuto.

Madidinig din sa video na sinabihan ng mga tao na "very good" ang brown na aso dahil sa ginawa nito. - FRJ, GMA Integrated News