Wala na sanang balak pang mag-asawa ang 70-anyos na bride at "NBSB" o no boyfriend since birth hanggang sa dumating, o bumalik sa buhay niya ang groom na dati niyang kaeskwela na childhood crush siya. Nang huli silang nagkita, mga bata pa sila.
Sa video ng GMA News Feed, sinabi ng groom na si Boy na maraming taon niyang sinubukang hanapin sa social media ang kaniyang childhood crush na si Amy, na huli niyang nakita, 60 taon na ang nakararaan.
Isang retiradong guro at negosyante sa Pilipinas si Amy, habang nakabase sa ibang bansa si Boy.
At nang mahanap na nga ni Boy si Amy, araw-araw na ang kanilang naging komunikasyon hanggang sa nagkamabutihan at nagkapalagayan sila ng loob.
"Noong una puro text tapos naging audio, eventually naging video," sabi ni Boy.
Kuwento naman ni Amy, "Nag-video call kami. Iyong una niyang masilayan iyong aking hitsura, siguro nakapambahay lang ako, sleeveless; reaksyon agad niya sa akin noong una niya akong makita, 'wow! organic beauty!,"
Matapos ang ilang buwan na LDR o long distance relationship, umuwi na ng Pilipinas si Boy para makita nang personal si Amy.
At kahit ang bagyo at baha, hindi siya napigilan.
Ayon sa wedding coordinator na si Nico de Luna, nilusong ni Boy ang baha papunta kina Amy habang bitbit ang mga pasalubong para makita nito ang minamahal.
Nang makita na ni Boy nang personal si Amy, ayon sa kaniya, "Siyempre tumibok ang puso."
Sabi ni Amy, wala na talaga sana siyang plano na mag-asawa pero kakaiba raw ang kaniyang naramdaman kay Boy.
Kahit pa inabot ng 60 taon bago sila nagkitang muli ni Boy, batid ni Amy na si Boy ang "the one" para sa kaniya.
Patunay sa kasabihan na darating ang tamang pag-ibig sa tamang panahon.-- FRJ, GMA Integrated News
