Nagsara ang ilang tindahan, at hindi muna lumabas ng bahay ang ilang residente sa Bihar, India dahil sa pag-ulan umano ng sangkaterbang uob. Nangyari ito dalawang buwan matapos na makaranas din umano ng pag-ulan ng mga uod sa China.
Sa video ng GMA News Feed, makikita sa nag-viral na video na tila nyebe ang mga puting maliliit na bagay na bumabagsak sa kalsada mula sa kalangitan sa Bihar.
Sa kalye, makikita ang pagkukumpulan ng mga puting uod.
Maraming tindahan ang nagsara at maraming tao rin ang hindi na muna lumabas ng kanilang mga bahay dahil sa insidente.
Hindi agad natukoy kung anong uri ng uod ang nagbagsakan at paano ito nangyari.
Ngunit dalawang buwan bago ang naturang kakaibang insidente sa India, nagkaroon din umano ng pag-ulan ng mas malalaking ubod sa China.
Sa video, makikita ang mga umano'y uod na bumagsak sa kalye at maging sa mga sasakyan.
Ayon sa scientific journal ng Mother Nature, posibleng natangay ng malakas na hangin ang mga uod at ibinagsak ng hangin.
May mga nagsabi naman na posibleng poplar flowers o bulaklak ang bumagsak na nagmukhang mga uod sa China.
Paliwanag naman ng mga siyentipiko, posibleng tinangay ng hangin ang mga uod at bumagsak na kasama ng ulan na katulad ng nangyari kapag nagkaroon ng pag-ulan ng isda.-- FRJ, GMA Integrated News
