Nalagay sa alanganin ang kaliwang mata ng isang babae matapos itong magmuta, mamaga at muntik pang mabulag dahil sa ikinabit sa kaniyang murang eyelash extension na nakita niya online. Ang eyelash extension technician na nag-asikaso, umalma sa kaniyang reklamo.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Cristine Joy Cupay ng Tagum City, Davao Del Norte.
Kada tatlong buwan kung magpa-eyelash extension si Cupay, hanggang sa makakita siya ng promo sa Facebook na P200 lamang at may kasama pang home service, kumpara sa karaniwang P700 hanggang P2,500.
Ngunit nang simulan na kay Cupay ang procedure, ipinagtaka niyang walang ginamit na gloves ang technician. Nakaramdam din siya ng hapdi nang ikabit sa kaniya ang mga eyelash extension.
Makalipas ang dalawang oras matapos ang procedure, laking takot ni Cupay na blurred na ang kaniyang paningin.
Kinabukasan, nagmula at nagmuta na ang kaniyang kaliwang mata, at naging malaking abala ito sa trabaho niya bilang waitress.
Nang magpatingin sa espesyalista, napamahal pa siya nang umabot ng higit P11,000 ang kaniyang reseta.
Pumayag naman na makapanayam at sumagot sa mga paratang ni Cupay ang nagkabit sa kaniya ng eyelash extension na itinago sa pangalang “Lay.”
Depensa ni Lay, na tatlong taon nang eyelash technician, na kung tunay ngang may problema sa kaniyang pagkakabit, dalawang mata sana at hindi lang isa ang namaga kay Cupay.
Isang estudyante si Lay, na sideline ang pagkakabit ng eyelash extension. Natutunan niya lang ang pagkakabit ng eyelash extension sa panonood ng videos online.
Si Marilou Pascual naman na kaibigan ni Cupay at nakasabayan nitong magpakabit ng eyelash extension, hindi namaga ang mata.
Tunghayan sa “KMJS” ang paghaharap sa barangay nina Cupay at “Lay,” at kung magkakaayos sila tungkol sa namroblemang mata ni Cupay.
Alamin din ang paliwanag ng duktor kung dulot nga ba ng eyelash extension ang pananakit ng mata ni Cupay.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News
